Press "Enter" to skip to content

Bohol’s chocolate princess proud daughter of streetsweeper, tricyle driver with 5 successful kids

Si Dalareich Polot ay tinaguriang Chocolate Princess ng Bohol dahil mayroon siyang chocolate factory.

Ang kanyang mga produkto ay chocolates at tableya na ini-export sa ibang bansa.

Nagsasagawa rin siya ng community service sa kanilang lugar sa pamamagitan ng pagtulong sa mga ina at kababaihan para palaguin ang cacao industry, kung saan kilala ang Bohol.

Inspiring ang rag-to-riches story ni Dalareich.

Itinaguyod silang limang magkakapatid ng inang isang streetsweeper at tableya vendor at amang tricycle driver.

Lahad ng ina ni Dalareich na si Elsa Polot sa Rated Korina noong October 11, 2021, “Ang asawa ko tricycle driver lang. Lima anak, wala kami pagkain.

“Pangkain lang inaabot ng asawa ko. Walang pang-aral [sa mga anak].”

Ang napagkasunduan nilang mag-asawa ay si Elsa ang didiskarte sa pagpapaaral sa kanilang limang anak.

Kada buwan, ang sahod ni Aling Elsa bilang streetweeper ay PHP3,000.

Pag-uwi mula sa trabaho, ang paggawa naman ng tableya, na minana pa sa kanyang ina, ang inaatupag niya.

Sagana ang Bohol sa cacao at kahit sa bakuran ng mga bahay-bahay ay madaling tumubo ito.

Taong 1994, nagsimula si Aling Elsa ng mano-manong pagluluto ng isang kilong cacao na nagkakahalaga noon ng PHP35.00.

Makakagawa ng ilang supot ng tableya, na ibebenta naman ni Dalareich at ng iba pa niyang kapatid.

Pagbabalik-tanaw ni Dalareich, “When I was in Grade IV, si Mama nasa labas na siya ng school. Nagdadala na po siya ng five packs ng tableya.

“Ako yung magde-deliver. I just need to do that because magwo-work pa siya, e.”

Pinagsabay ni Dalareich ang pagtitinda ng tableya at pag-aaral.

Bagamat nagbebenta ng tableya, magtitira lamang ng isang piraso ng tableya si Aling Elsa at ito ang ihahalo sa sinaing. Pagkain nila ito mula umaga, tanghali, at gabi.

Sa paglalahad sa kanilang kuwento sa Rated Korina, isang araw raw ay sinumbatan ni Dalareich ang mga magulang.

Exam na kasi kinabukasan noon ni Dalareich pero hindi pa siya nakakabayad ng tuition.

Sinabi naman ng mga magulang nito na makakabenta sila ng tableya sa gabing iyon para magkaroon ng pangmatrikula.

Sa sama ng loob, lumabas ng bahay si Dalareich.

Isang nakamamanghang pangyayari ang sumunod.

Kuwento ng dalaga, “And I went to the church, and I was crying, kasi wala naman talagang magagawa si Mama kung hindi mabebenta.

“And I’m realy praying that maybe mabibili just to pay my tuition fee.

“Sa pagbalik ko during dinner time with the family, may kumatok po sa bahay namin, at hindi namin alam saan siya galing.

“She’s a blind woman. Alam niya yung bahay namin, and I was so surprised because she just said that she wanted to buy this tableya.

“And she gave the money. We gave the tableya and she left.

“And we realized when we counted the money it’s exactly my tuition fee.

“Hindi na namin alam kung paano siya hanapin.

“So, that’s the time sabi ni Mama, ‘Grabe si Lord, alam Niya if kailangan talaga ng pera, meron.”

Naging emosyonal si Dalareich matapos itong ilahad. Aniya, nasaksihan niya kasi ang sakrispisyo ng kanyang mga magulang.

Sa patuloy na pagkayod ng mga magulang ni Dalareich, napagtapos silang magkakapatid.

Si Dalareich ay graduate sa course na computer engineering.

Ang isa niyang kapatid ay teacher, may architect, may nagtapos ng hotel and restaurant management, at ang kanilang bunso na kumuha ng medical technology ay nagpatuloy sa medicine.

CHOCOLATE PRINCESS

Si Dalareich ay tinaguriang Bohol Chocolate Princess nang sumali siya sa pitching contest for entrepreneurs boot camp for young women.

Ito ang Young Women Entrepreneurs Boot Camp 2013, na inorganisa ng women’s group na SPARK (Samahan ng mga Pilipina para sa Reporma at Kaunlaran) at U.S. Embassy.

Siyempre ang produktong tableya ang entry ni Dalareich.

Siya ang naging grand prize winner at nag-uwi ng trophy at US$5,000 o tinatayang PHP250,000.

Sabi ng dalaga, “Doon po talaga nag-open ng door and after that I got grant money to buy a delivery van for our tableya business.”

Sa sumunod na taon, nakakuha si Dalareich ng scholarship sa Ghent University sa Belgium kung saan siya nag-aral ng tungkol sa cacao at chocolates.

Dito niya mas napagtanto ang malaking oportunidad sa cacao industry ng Pilipinas at nakahanap ng motivation para magnegosyo.

Ani Dalareich, “We grew up eating sweet chocolates, na dapat pina-proud natin yung meron tayong cacao, because not all countries can grow cacao…

“And tableya na people think na sobrang baba yung product natin, why not innovate it?”

Sabi pa niya, “Tableya is most expensive because hindi hinahaluan ng kahit ano.”

Ngayon, bilang chair ng Bohol Cacao Development Council, tinutulungan ni Dalareich ang mga kababaihan pagdating sa industriya ng cacao sa kanilang komunidad.

Pahayag niya, “Kelangan natin ma-empower ang mga walang-wala, di nakapag-aral. I got that from my mom. “

Dahil din sa kanyang tableya, siya ang nakatanggap ng gold award mula sa Academy of Chocolates Awards sa London noong 2019, ang kauna-unahan para sa Southeast Asia at Pilipinas.

Si Dalareich ang general manager ng family business nilang Dalareich Tableya, na isang chocolate factory.

Nang tumama ang pandemya, naapektuhan ang kanilang negosyo, pero nag-venture sila sa online selling.

Para sa sikreto naman ng kanilang tagumpay, sinabi ni Aling Elsa na “no retreat, no surrender” ang mantran nila ng kanyang mister, kasama ang pananalig sa Diyos.

Sabi naman ni Dalareich, hard work at pagkakaroon ng mas malalim na purpose ang kailangan para magtagumpay.

HOT STORIES

pmrsc.com

Be First to Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.