Press "Enter" to skip to content

Chavit Singson, umatras na sa kandidatura bilang Ilocos Sur vice governor

Walang binanggit na pangalan si Willie Revillame nang magsalita ito sa kanyang programang Wowowin: Tutok To Win noong Huwebes, October 7, tungkol sa mga pamilyang winawasak ng pulitika ang relasyon.

Marami ang tinamaan sa sinabing ito ni Willie: “Alam niyo, napakahirap ho na pasukin ang pulitika. Yung kaibigan mo ngayon, bukas kaaway mo.

“Mag-ama, nag-aaway dahil sa posisyon. Mag-asawa, naglalaban dahil sa posisyon.

“Sayang ho ang buhay. Sayang yung sinasabi nating pagmamahalan. Sayang yung sinasabi nating paglilingkod sa kapwa.

“Dapat, kung maglilingkod tayo, tanggalin ninyo ang galit sa puso niyo.

“Hatred, wala na tayong ginawa kundi magsiraan. Hanapin yung dumi ng kapwa niyo.

“Lahat naman ho tayo nagkakasala, ako, kayo, tayong lahat.”

Kahit walang binanggit na pangalan si Willie, may mga naniniwalang damay sa kanyang mga pahayag si Narvacan, Ilocos Sur Mayor Luis “Chavit” Singson at ang anak nitong si incumbent Ilocos Sur Governor Ryan Singson.

Magkalaban ang mag-ama sa vice gubernatorial post ng kanilang lalawigan sa halalan sa May 9, 2022.

Ang kapatid ni Chavit na si incumbent Ilocos Sur Vice Governor Jerry Singson, na tiyo ni Ryan, ang makakalaban ni Patch Savellano-Singson sa pagka-gobernador.

Si Patch ang asawa ni Ryan at anak ni Ilocos Sur 1st District Representative Deogracias Savellano, ang asawa ng aktres na si Dina Bonnevie.

Reelectionist si Savellano bilang kongresista ng 1st District ng Ilocos Sur. Makakalaban niya si Ronald Singson para sa nasabing posisyon sa eleksyon sa 2022.

Si Ronald ang kapatid ni Ryan at brother in-law ng anak ni DV na si Patch.

Apat na araw matapos magsalita si Willie tungkol sa negatibong epekto ng pulitika sa magkakapamilya, nagsadya si Chavit sa provincial office ng Commission on Elections sa Ilocos Sur ngayong Lunes ng umaga, October 11, para bawiin ang kanyang kandidatura bilang bise gobernador ng kanilang lalawigan.

Sa panayam sa kanya ng mga miyembro ng media, sinabi ni Singson na “miscommunication” ang nangyari sa kanilang pamilya dahil sa intriga.

Pero nagkaayos na raw ang kanyang mga anak na sina Ronald at Ryan.

“It’s about miscommunication…” ani Singson.

“Maraming intriga ang politics so I’m happy na magkausap na yung dalawang magkapatid [Ryan at Ronald]. Yun lang ang hinihingi ko.

“Nagpapasalamat ako kay Gov. Ryan, kay Ronald, lahat ng nakialam dito. Nagpapasalamat ako sa lahat.

“Sana magkaroon ng kapayapaan ang ating lalawigan.”

Hindi na kakandidatong gobernador ng Ilocos Sur ang asawa ni Ryan na si Patch. Binawi na rin nito ang kandidatura kaya unopposed o wala nang kalaban si incumbent Vice Governor Jerry Singson, na tatakbong gobernador sa 2022 elections.

Unopposed din si Ryan dahil sa pag-atras ng tatay niya.

Sigurado nang si Ronald ang susunod na bise gobernador ng kanilang lalawigan dahil nagpalitan lamang sila ng puwesto ng kanyang tiyo.

HOT STORIES

pmrsc.com

Be First to Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.