Press "Enter" to skip to content

JC Santos, tuluyan na kayang mag-migrate sa Australia?

Ang Philippine adaptation kaya ng More Than Blue ng Viva Films ang isa sa mga huling pelikula ni JC Santos?

Ang mag-migrate sila sa Perth, Australia ng kanyang asawa at anak ang isa sa mga plano ni JC dahil naapektuhan ng coronavirus pandemic ang acting profession niya.

Naninirahan sa Perth ang pamilya ng asawa ni JC na si Shyleena Herrera, kaya nagplano sila na mangibang-bansa nang maranasan ng aktor na mawalan ng trabaho sa loob ng anim na buwan noong nakaraang taon.

Sa ngayon, nananatili sa Pilipinas si JC at ang kanyang pamilya dahil nagkaroon siya ng trabaho tulad ng More Than Blue, ang comeback movie ni Yassi Pressman na huling gumawa ng pelikula noong 2018.

Sa recent virtual media conference ng More Than Blue, ang Plan B o ang balak nila ng kanyang asawa na pumunta sa Australia ang itinanong namin kay JC na positibo ang sagot at aminado na matumal pa rin ang pagdating ng mga acting assignment.

“Nasa line up rin siya [to go to Australia] just in case, kasi matumal ngayon. Parang mahirap talaga ngayon. Kumbaga, maraming plans of shooting pero walang actually nangyayari minsan at minsan, nauusog dahil sa mga protocol.

“If worse comes to worst, may plano. If ever, hindi pa alam kung this year or next year. Eventually, we’ll see,” ang sabi ni JC na naging matapat sa pagsasabi na apektado ng pandemya ang kanyang propesyon.

Si JC ang leading man ni Yassi sa More Than Blue na itinuturing niyang pinaka-nakakatakot na pelikula na kanyang ginawa dahil bukod sa mabigat ang role, mabibigat ang kanilang mga eksena.

“From two days before the shoot, nag-panic ako dahil sinabi ko talaga, kaya ko ba ito?

“Nag-text na ako kay Direk [Nuel Naval], sabi ko, nai-intimidate ako sa karakter ko, saka sa materyal.

“Ito na yung pelikula na pinaka-natakot ako nang sobra sa gagawin ko, pinaka-kinakabahan ako kada eksena.”

Pinasalamatan ni JC si Yassi dahil ito ang nakatulong nang malaki sa kanya para mawala ang takot na nararamdaman niya.

Aniya, “I’m super grateful dahil si Yassi ang nakatanggal ng takot kasi at that time, she gave me everything that I needed in every scene. She’s performing her soul in front of me and I felt comfortable.”

pmrsc.com

Read Next

Be First to Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.