Press "Enter" to skip to content

Kim Atienza pabirong isiniwalat ang sikreto sa boses ni Emil Sumangil: “Lambanog!”

“Lambanog.”

Ito ang sinabi ni Kim Atienza nang inilarawan niya ang Dapat Alam Mo! co-host na si Emil Sumangil.

Sa mediacon ng nasabing Gtv program, tila seryosong kuwento niya, “Kaya pala, umiinom ng lambanog. Palaging may dalang lambanog.

“Sabi ko, ‘Ano ba ang mga iniinom ng mamang ‘to?’ Ano pala, nasa dressing room pa lang, umiinom na ng kung anu-anong mga bagay-bagay.”

Agad na itinama ito ni Emil.

Ang kanyang sikreto ay “salabat” at hindi raw lambanog.

Natatawang sabi ni Kuya Kim, “Ay sorry!”

EMIL SUMANGIL’S WELL-MODULATED VOICE

Kapansin-pansing ang boses pala ni Emil ay talagang well-modulated ke nagre-report o nagsasalita siya.

Kaya kapag nasa bahay siya, para pa rin siyang nagrereport.

“Oo, tama, ganito na iyan. Kahit narito ako sa loob ng aming pamamahay at kausap ko ang dalawang anak ko, at siyempre, ang nag-iisa kong maybahay, para akong nagbabalita.

“Akala ng aming mga kapitbahay, nagnyu-newscast pa rin si Emil Sumangil.”

Sa Dapat Alam Mo!, plano niyang i-adjust ang bilis ng pagsasalita.

Aniya, “Salamat, salamat, hayan, dadahan-dahanin ko, malumanay. Ang instruction kasi sa akin, News TV Quick Response Team, mabilis na paghahatid ng balita, authoritative.

“So siguro, hangga’t nananatili ang gano’ng klase ng instruction at utos, pananatilihin ko rin ang gano’ng klase ng instruction at tono.

“Pero kung babanggitin ang mga nasa likod ng ating programa, lambutan natin nang konti, susubukin natin na mapalambot, ha.

“Kasi so far, walang adjustment na gagawin. Pero kung sasabihin na palitan natin nang tono, pipilitin natin sa abot kong makakaya.”

NEW PROGRAM IS A BLESSING

Napalitan ang lungkot na nararamdaman ng journalist/ GMA News reporter na si Emil Sumangil nang dumating ang balita sa kanya na isa siya sa tatlong news anchor na napili para sa bagong magazine news program ng GTV, ang “Dapat Alam Mo!” na mapapanood na simula ngayong Lunes, October 18 ng 5 P.M.

Nawalan kasi siya ng isang programa ngayong pandemic kaya ganoon na lang ang tuwa niya nang ibalita sa kanyang may bago na siyang gagawin.

“Bago kasi i-offer at ilunsad ang programang ito, ang Dapat Alam Mo!, meron pa akong hinahawakang newscast pa noon, pumalit ako kay Jiggy Manicad, ito yung News TV Quick Response Team,” lahad ni Emil.

“Subalit hindi ito natuloy, yung programa, dalawang taong mahigit ko lang hinawakan, ‘tapos, tuluyan nang pinutol sa ere. So medyo malungkot pero doon lalong tumibay ang pakikipag-ugnayan natin ano sa mahal na Poong Maykapal.

“Sabi ko, kayo na po ang bahala, basta itutuloy ko lang kung ano ang ginagawa ko. Hanggang sa humantong na po doon sa gabi na tawagan ako at mag-ring ang telepono.”

Ibinalita raw sa kanya ng program manager na si Mon Torres na magkakaroon ulit siya ng programa.

“Sabi niya, ‘Emil, may inaayos na programa at sabi ni VP Clyde Mercado, ikaw ang bagay na bagay rito.’

“Unang-una, do’n pa lang sa pagkakataong iyon, nag-uumapaw na ang aking pasasalamat sa Poong Maykapal, pati sa mga amo ko, sa pagtitiwala na mabigyan akong muli ng pagkakataon na makahawak ng every-day newscast.

“Pinag-usapan lang namin. Noong gabing iyon mismo, nagkasundo kami na haluan ng public service.

“Hindi lang straight newscast, hahaluan ng public service. Hanggang sa mag-arrive na sa mapapanood nila starting this Monday.”

Tunay na kapag may nagsarang pintuan, may mga bintanang nagbubukas.

“Tama, iyan din ang text ng isang ko pang amo sa news department. Kapag nagsara ang pintuan, may nagbubukas na bintana.”

Ang Dapat Alam Mo! ay nagsimula noong October 18, 2021, at mapapanood mula Lunes hanggang Biyernes at 5 p.m.

Makakasama ni Emil sa Dapat Alam Mo! sina Patricia Tumulak at Kim Atienza.

HOT STORIES

pmrsc.com

Be First to Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.