Press "Enter" to skip to content

Left with one eye, math teacher Jelly Rojas chooses to see beauty in life

Meet Jelly Rojas, ang math teacher mula sa Tarlac at breadwinner sa pamilya.

Dalawang beses siyang inoperahan sa ulo, tinanggalan ng kanang mata, at nawalan ng isang paningin.

Pero tuloy ang buhay para kay Jelly.

Sa pananampalataya siya kumakapit para malampasan ang mga hamong pinagdaraanan niya.

Taong 2019 nang madiskubreng may meningioma na tumutubo sa kanyang utak, sa likod ng kanang mata.

Isang uri ng tumor ang meningioma na nagsisimula sa utak o kaya sa spinal cord. Sinasabing radiation ang isa sa mga sanhi, pero hindi pa gaanong natutukoy kung may kinalaman ito sa genetic disorder o hormone o previous injury. Ayon sa pag-aaral, mas prone ang mga babae sa tumor na ito.

Lahad ng guro sa ulat ng 24 Oras, noong October 15, 2021, “Nung sinabi ng doktor na I need to give up my right eye, ngumiti lang ako sa kanya.

“Yung prayer ko is, wala na akong salita na masabi. Puro iyak na lang. Talagang sobrang sakit sa akin.”

Inoperahan si Jelly noong September 2019 upang tanggalin ang kanyang tumor bago pa ito maging mas delikado.

Pero hindi dito nagtatapos ang kalbaryo ng guro. May natuklasan ang doktor nang isagawa ang unang operasyon.

Dito na tuluyang isinuko ni Jelly ang kanyang kanang mata.

Kuwento niya, “Yung doktor ko umiiling siya. Meron palang bukol ulit sa loob ng aking naoperahan na mata.”

Dahil nga breadwinner sa pamilya at tumama pa ang pandemic, nag-alala si Jelly sa gastusin sa pangalawang operasyon.

Pero nairaos ito dahil may mga nagmagandang loob para tulungan ang guro.

“Merong nagpapadala sa akin na mga pera, kung saan ang laking tulong po sa akin,” lahad niya.

“Alam niyo po, pati rin yung mga doktor tumulong din sila. Sila naghanap ng mga charity na puwedeng tumulong sa akin.”

November 2020, biniyak sa pangalawang pagkakataon ang ulo ni Jelly para sa operasyon. Tuluyan na ring tinanggal ang kanyang kanang mata.

Ngayon, balik na sa pagtuturo si Jelly sa Grade IV students.

Sa video interview, tinanggal ni Jelly ang takip sa kanyang mata, at ipinakita ang itsura na wala ang kanang mata.

“Wala na po si right eye,” mahinahon niyang pahayag.

Kaugnay ng kanyang mga pinagdaanan at maging sa kanyang Facebook post, naging advocate si Jelly ng pagkakaroon ng “faith” o pananampalataya.

Sa mga dumadaan ng pagsubok, mensahe niya, “Kailangan natin tanggapin, yakapin ang mga binibigay na problema sa atin ng Panginoon.

“Kapag kuma-faith tayo sa Panginoon, makakaya natin yung problema na kinakaharap natin.”

Sa pamamagitan ng social media, nakakapag-share si Jelly ng mga positibong mensahe.

Ang ilan dito, tungkol sa pagtanggap niya sa kanyang itsura matapos matanggal ang isang mata.

Aniya, “One of my greatest fears is to see myself with one eye but now I can confidently say that I overcome my fear with JESUS.

“LAHAT ng nangyayari may purpose si Lord, WALA pala ako dapat ikahiya sa itsura ko

“TO GOD BE THE GLORY.”

HOT STORIES

pmrsc.com

Be First to Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.